1,000 Bininyagan
HALOS 1,000 tao ang namatay pagkatapos binyagan ng mga frayleng Jesuit nuong unang punta sa Tinagon (Tinagoan, sa pulo ng Buad sa kanluran ng Samar) nang kasalukuyang umiiral ang malaking salot. Nang magbalik ang mga frayle nuong Abril 1599, tantiyang 8,500 tao ang dinatnan nila sa pulo at halos 1,000 sa mga ito ang nabinyagan nila sa loob ng 12 buwan bagaman at 3 frayle at 3 katulong (brothers) lamang sila. Malaki ang naitulong ng mga matalinong lalaki, ang iba ay bata pa, na nagsilbing guro at kumalat sa bara-baranggay upang turuan ng dasal at pangaral ang mga indio, bata o matanda, na nais maging catholico. Humingi ang pinuno ng isang baranggay ng isang ganitong guro upang maturuan sila. Magiliw ang turing nila sa guro, hinandugan pa nang umalis, at nagpatawag na sila ng frayle na magbibinyag sa kanila. Tapos, sila-sila na ang nagturuan at paminsan-minsan, nagpatawag ng frayle upang binyagan ang mga natuto na. Isang indio ang pilit nang pilit magpabinyag hanggang, pagkaraan ng maraming araw, tinanong siya ng frayle, ‘Kung talagang gusto mong magpabinyag, bakit hindi mo putulin ang buhok mong mahaba?’ ‘Buhok lamang?’ sagot ng indio. ‘Kung bibinyagan mo ako, pati kamay ko ay puputulin ko kung kailangan!’ Ganuon naging kasidhi ang nasa ng mga indio na makabilang sa mga binyagan. ‘Hatinggabi na nang dumaong kami sa Ibatan,’ ulat ng isang Jesuit, si Juan de San Lucar, ‘subalit naghihintay pa rin ang mga tao sa dalampasigan!’ Lumusong daw pati ang mga pinuno, hinatak ang bangka sa pampang at pinasan sa balikat ang mga frayle at katulong upang hindi mabasa ang mga paa. Sa loob ng 2 linggo, 10 bata at 30 tao ang nabinyagan duon. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
MAHIGIT 80 taon ang tanda ng isang babae duon, bulag, bingi at hindi na makalakad, lagi na lamang nakahiga. Ilang ulit pinilit ni San Lucar subalit matigas na tumanggi ang matanda. Pagkaraan ng mga araw, lumapit ang asawa ng babae at nakiusap na binyagan ang maysakit. Tumanggi si San Lucar, hindi maaaring pilitin ang ayaw magpabinyag. Payag na ang babae, sabi ng asawa, subalit ayaw maniwala ng frayle. Mahigit 10 ulit pabalik-balik ang asawa, nagmakaawa. ‘Mahal ko siya,’ sabi ng lalaki, ‘at hindi ko maatim na mamatay siyang walay sa Dios!’ Sa wakas, sinabi ni San Lucar na bibinyagan niya ang babae kung magtutungo ito sa simbahan. Dinaan sa tibay ng kalooban, tumayo ang maysakit at nagpaakay sa simbahan. Nakatayo ang babae, hindi umupo kahit minsan, habang pinangaralan at bininyagan ng frayle. Sa baranggay ng Paet (malapit sa Calbayog), 2 babae ang nabantog sa dami ng mga lalaking nakasiping nila. Bagaman at mga alipin, inalagaan at ipinagtanggol sila ng mga makapangyarihang lalaki, kaya naging mayabang pa sila. Kahit na ikinahiya sila ng mga taga-baranggay, nilibak nila ang ibang mga babae duon. Subalit isang araw, nagsisi ang 2 at nagkumpisal sa simbahan. Hindi na sila nagkasala mula nuon. May anak na dalagita ang isang pinuno ng baranggay na ayaw magsimba o makinig sa mga sermon ng Jesuit. Pinuntirya siya ng frayle dahil maraming susunod sa kanya kung magpabinyag, subalit nagtago siya. Lalong nagsikap ang frayle at nahuli rin ang loob ng dalagita at matapos ng 2 araw lamang, natutunan niyang lahat ang pangaral at bininyagan siya. |
Sa baranggay ng Cauayan (sa tabi ng Catarman), isang babaing maharlika ang masugid sa pagyaya sa mga tagabaranggay na maging catholico at tuwing dadalaw ang frayle, mayroon siyang pangkat ng mga bibinyagan. Ganoon nabinyagan ang 12 tao at 5 bata sa baranggay niya. Bago umalis si Francisco de Otaco sa Tinaguan upang maging punong frayle (superior) sa nayon ng Dulag (sa Leyte), inulat niya ang isang mahiwagang pangyayari. Isang binata, 16 taon ang gulang, ang naglakbay ng malayo mula sa Catubig (sa hilagang looban ng Samar) upang magsimba at magkumpisal. Isinalaysay niya ang kanyang karanasan nang magkasakit siya nang malubha. Hiniling niya sa kanyang kaibigan na, kapag naghingalo na siya, magtirik ng cross at magsindi ng candela sa ulunan ng kanyang higaan. Nang mawalan siya ng malay-tao, nanaghoy ang mga kasama dahil malapit na siyang mamatay. Inilagay ang cross at mga candela gaya ng habilin niya. Nuon nagpakita ang isang frayleng Jesuit sa kanang gilid ng kanyang higaan. May hawak na rosario ang pangitain, kumikinang na parang ginto ang kanyang ulo at may liwanag na nagmumula sa kanyang dibdib. ‘Bumaling ka, anak, dito sa kanan,’ ang sabi sa kanya ng pangitain, ‘ang tabi ng mga napili at bilangin mo ang mga butil ng rosario.’ Sinabi raw sa kanya na dapat siyang yumao sa sakit subalit binigyan siya ng dagdag na buhay ng Dios upang ipagpatuloy ang pagiging mabuting catholico. Matagal siyang pinangaralan ng pangitain bago ito naglaho. Natauhan siya, sabi ng binata, at humingi ng pagkain. Gimbal ang lahat ng kasama, lalo na nang isiwalat niya ang kanyang nakita. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |