2 Pipi Bininyagan
ISANG ARAW, pumasok sa simbahan si Bincai, pinuno ng nayon ng Dulag. Naging pabaya at malilimutin na raw ang mga tao sa pag-aaral ng pagiging catholico. ‘Mabuti pa,’ sabi niya, ‘ako ang unang binyagan at marami ang susunod at magpapabinyag na rin.’ Ilang araw na ipinagpaliban siya ng frayle upang subukin ang tibay ng kanyang sampalataya. Araw-araw naman, lalong sumusugid ang hangad ni Bincai hanggang nabinyagan na rin siya, sa wakas. Natupad ang pahayag at marami ang sumunod sa kanya at sa loob ng isang taon, nabinyagan ang 700 taga-Dulag. Higit na kapuna-puna, 2 pipi ang bininyagan, hindi inakala dahil hindi nakarinig ng mga pangaral tungkol sa pagiging catholico. Binigyan ang isa ng pangalang Raimundo, at kapwa sila buong lugod na naglingkod sa simbahan. Hindi na umaalis si Raimundo ng simbahan, laging nagdarasal at nagpi-penitencia pa, hinahagupit ang sariling likod. Kasama niyang nag-penitencia nuong mahal na araw (cuaresma, Lent) ang maraming taga-Dulag at mga dayo mula sa karatig bara-baranggay. Ang ilan ay nagpasan pa ng cross. Samantala, isang indio ang hindi sumama sa simbahan. Sa ilog natungo upang maligo subalit sinakmal siya ng isang buaya. Punung-puno siya ng sugat, naghihingalo at hindi na nakausap nang bitbitin sa simbahan. Agad |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
siyangbininyagan at, sa amuki ng frayle, nabigkas niya ang ‘Jesus, Jesus!’ bago namatay. Basang-basa sa ulan nang dumating ang frayleng Jesuit, si Melchior Hurtado, sa katabing baranggay ng Tambo. Agad siyang ipinatawag upang binyagan ang isang matandang lalaki na agaw-buhay na sa kanyang hamak na dampa sa gitna ng bukid. Mahigit 1 kilometro ang nilakad ng frayle, hanggang tuhod ang putik, bago narating ang matanda na hindi na nakapagsalita. Bininyagan siya at namatay ito nuong gabi ring iyon. Nasa kanyang bukid ang isang indio isang gabi nang nasaksak nang ilang ulit. Wakwak ang sikmura at luwa ang bituka, nahundusay siya magdamag sa lupa hanggang natagpuan kinaumagahan at ipinatawag niya ang frayle. Kinakain na ng aso ang kanyang bituka nang mabinyagan siya. Namatay siya agad. Lubhang malinis at mapag-alaga sa sarili ang mga taga-Dulag. Nandidiri sila sa mga tao na mabaho o may sugat, kaya naghihirap ang mga may kapansanan dahil walang tumutulong. Nag-sermon ilang ulit ang frayle subalit hindi siya pinakinggan. Isang araw, ipinatipon niya ang lahat ng maysakit, ang mga labis na matanda at |
ang may mga sugat sa katawan. Alam niyang may mga hindi nakarating dahil walang nais magbuhat sa kanila. Isa na rito ang babaing alipin ng isang pinuno ng Dulag na hindi nakakarating sa simbahan dahil walang nais bumuhat o lumapit sa kanya. Sa harap ng mga pinuno at mga tao ng baranggay, pinagyaman at nilinis ng frayle ang sugat ng mga maysakit. Hinalikan pa ang mga galis sa mga paa ng isang alipin. Isang maysakit, nakain na ng sakit ang kanyang bibig, ilong at mukha, niyakap at hinimas ng frayle, upang turuan ang mga tao ng awa ukol sa mga nagdurusa. Mula nuon, naging matulungin ang mga binyagan sa mga pilay at maysakit, inalalayan o binuhat kung saan patungo, madalas ay sa simbahan. Laging nang pinasan ng pinuno ang maysakit niyang aliping babae papunta sa simbahan. Minsan, nakita ng pinakamataas na pinuno sa Dulag na walang tumutulong sa isang babaing mabaho at puno ng galis. Siya ang pumasan sa babae upang magsimba, kahit na narumihan ang magandang damit niya. Nang punahin siya ng mga kakilala, sinabi niyang ito ang tungkulin ng isang catholico. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |