Sa Butuan, Mindanao
Kumampi Ang Magiting

NAKAALPAS si Luongan.

Upang maging catholico, hiniwalayan niya ang 5 asawa, ang una na lamang ang naiwan. Subalit mahigpit na kumapit ang isa sa 5 hiniwalayan sana, kaya 2 ang nanatiling asawa niya.

Panay ang amuki ng mga frayle subalit nabigo sila bagaman at ibinigay ni Luongan ang isang anak niyang lalaki upang maturuan sa simbahan. Si Luongan din ang humarap, kasama ng kanyang mga mandirigma, sa sinumang magtangkang saktan ang mga frayle, lalo na ang mga mandarambong na taga-Ternate (isang pulo sa Maluku o Moluccas, spice islands) at ang pangkat ng mga mamamatay-tao na lumiligid sa mga gubat duon nuon.

Nailigtas Ng Agnus Dei
At Ng Ngalan Ni Jesus

NUONG panahong iyon, halos 800 na ang nabinyagan sa Butuan, at marami pa ang nag-aaral maging catholico. Linggo-linggo, marami ang nagsisimba, at dala-dala ng mga tao ang kanilang mga anak at ang mga maysakit na kamag-anak upang magkumpisal o mabinyagan.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Nagtarak ng mga cross sa mga bukid ang mga magsasaka at natutuong umawit ng mga canta sa simbahan.

Isang indio na mahilig magpunta sa simbahan ang nagpatawag ng frayle nang magkasakit siya nang malubha upang siya ay mabinyagan. Naghingalo siya bago dumating ang frayle at naghihimagti na ang mga kamag-anak nang dumating ang frayle. Wala nang malay-tao ang lalaki kaya sinigawan siya ng frayle na bigkasin niya ang ngalan ni Jesus. Bahagyang nagising ang lalaki at ibinulong ang pangalan, at bininyagan siya ng frayle. Gumaling siya nang lubusan mula nuon, ayon sa kanyang mga magulang.

Nagkasakit nang malubha ang batang anak na lalaki ng isang pinuno duon, at halos patay na ang turing sa kanya nang dumating ang padala ng frayle na isang Agnus Dei at banal na tubig (holy water). Ito, ayon sa mga magulang, ang

nagpagaling sa bata.

Isang hindi binyagang indio ang nasugatan nang malubha ng hinuhuli niyang baboy damo at nadama niyang malapit na siyang mamatay. Naalaala niya ang narinig niya sa simbahan kaya lumuhod siya at paulit-ulit na nanalangin, ‘Jesus, maawa ka sa akin!’ Sa kabutihang palad, gumaling siya. Nagpabinyag siya at ipinagkalat niya ang kanyang karanasan.

Isang familia ng mga hindi binyagang indio ang nasindak sa kulog at kidlat nuong isang bagyo at paulit-ulit nanawagan sa ngalan ni Jesus. Tumba silang lahat nang tumama ang isang kidlat. Nakaamoy sila ng nasusunog at akala nila, mamamatay na silang lahat.

Kinabukasan, nakita nilang isang puno ng niyog sa tabi ng bahay ang tinamaan at nasunog sa kidlat, hindi ang kubo nila. Pasalamat sila nang malaki sa Dios.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan