Panglao At Siquijor,
Ang Pulo Ng Apoy

KAHIT 2 lamang ang Jesuit sa Bohol, lumaganap at walang maliw ang pagsambang catholico sa buong pulo. Wala kahit isang pahiwatig na bumabalik o babalik ang mga tagaruon sa mga dating gawi at pagsamba sa mga anyito.

Minsan nuong 1598, dumating ang mga pinuno ng mga kalapit na pulo at, halos paiyak, hiniling na dalawin sila ng isa sa mga frayle kahit isang araw linggo-linggo.

Kasama sa kanila ang mga tagapulo ng Siquihor (Siquijor), ang tinawag na pulo ng mga apoy (isla de fuegos), 20 kilometro ang layo sa Bohol. Walang nakarating na frayle duon kailan man kaya nag-aral na lamang daw sila ng pagsamba mula sa isang binyagan na nagtungo sa kanilang pulo.

Ngayon, ang hiling nila ay mabinyagan. Bagaman at hindi napagbigyan, ipinangako naman ng mga Jesuit na sa kanila pupunta ang sumunod na dumating na frayle.

Ayon sa 2 frayleng Jesuit, sina Alonso de Umanes at Gabriel Sanchez, naging magana ang paglawak ng catholico sa mga taga-Bohol mula nang magbalik nila duon mula sa Cebu nuong 1599.

Sa katabing pulo ng Panglao, bininyagan nila ang mga anak ng mga pinuno upang magsilbing taga-akit ng mga magagawang catholico. Pagbalik nila duon, marami nga ang nagpabinyag, pati na ang 100 bata.

Kinuha nila ang mga pinakamarunong sa mga ito upang maturuan sa Bohol, at sila, pagbalik sa Panglao, ang magpapangaral sa mga tao.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Manghuhula Sa Bohol

SA BARANGGAY ng Loboc, natuklasan ng alguazil (pulis ang tawag ngayon) na manghuhula pala ang isang pinuno ng katabing baranggay. Nilusob ng Espanyol, kasama ang maraming katulong na indio, at hinakot lahat ng gamit ng pinuno sa panghuhula. Tinawag niya ang mga bata sa baranggay at pinaduraan at pinatapakan ang mga gamit bago sinunog at itinapon sa ilog.

Isang matandang babae sa Bohol ang nagkasakit at, sa bingit ng kamatayan, binigyan ng frayle ng huling pagpala (extremauncion). Agad siyang gumaling. Isang matandang lalaki naman, hindi na makatayo, ang nagkumpisal bago mamatay, subalit pagkaraan ng 2 araw, bumalik siya sa simbahan upang magpasalamat, gumaling daw siya dahil sa kumpisal.

Isang batang lalaki, 4 taon lamang ang gulang, ang nagtampisaw at nalunod sa dagat. Itinakbo ang bata sa bahay ng frayle. Hindi na raw humihinga, itim na ang kulay ng mukha, at puno ng tubig ang tiyan. Dinasalan siya ng frayle at binasbasan (bendicion). Sa harap ng lahat, nagising ang bata at gumaling.

May mga naganap duon na hindi ko maiwawaksi. Isang dalagang indio ang pilit niligawan ng isang sundalong Espanyol subalit panay ang tanggi ng dalaga. Minsan pinadalhan siya ng sundalo ng 20 escudo, salapi ng

Pinilit Ang Mga Dalaga

Espanyol, subalit itinaboy ng dalaga ang utusan ng sundalo. ‘Sa susunod,’ sigaw niya sa alila, ‘itatapon kong lahat sa ventana!’

Nagalit ang sundalo at dinaan sa takot ang babae subalit hindi nakuha sa banta kaya sinunggaban niya at sinaktan. Lumaban ang dalaga at nagwagi, iniwang talo at hiyang-hiya ang sundalo.

Isang Espanyol ang nag-alok sa isa pang dalaga ng kuwintas na ginto, mahigit 30 escudo ang halaga. Tumanggi ang dalaga at tumakbo sa nanay niya. Magkasama silang tumakas at nagtago sa bukid hanggang umalis ang Espanyol na naghahanap ng kasiping.

Isa pang dukhang dalaga, wala pang 18 taon ang gulang, ang ginitgit ng mga sundalong Espanyol. Inalok pa siya ng isa ng 48 reales, salaping ginto ng Espanyol. Bihira at bahagya lamang kumain ang dalaga, subalit tumanggi siyang maging querida ng sundalo.

Isa pang mahirap ding dalaga ang inalok ng mahigit 80 escudo, ngunit tumanggi rin.

Isang babaing indio, natakot magahasa ng isang lumiligaw na sundalong Espanyol, ang namundok nang 4 buwan at inabot ng malaking hirap at gutom. Hindi siya bumalik sa baranggay hanggang hindi umaalis ang lumiligaw na sundalo.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata