Pakikiapid Sinupil Sa Cebu
Sinimulan Ang Penitencia

NUONG panahon na iyon, 2 malaking pangkat ang ginagawang catholico ng mga Jesuit sa lungsod ng Santissimo Nombre de Jesus (Cebu City ang tawag ngayon). Una ang pinakamalaking pangkat ng mga indio na tinuturuan sa sarili nilang wika. Pang-2 ang mga Intsik na sakay ng mga barkong nagkalakal mula sa China, karamihan ay namarati na sa lungsod at nagtatag na ng sariling nilang puok (Chinatown).

Nagpalawak din ng catholico ang mga Jesuit sa lahat, pati na ang mga asawa at mga alila - mga Intsik, Hapon, mga taga-Maluku (Moluccas, spice islands) at mga Bissayas (Bisaya). Danak silang lahat magsimba, magkumpisal at mag-comunion. Tuwing may fiesta sa simbahan, maraming nagpabinyag na mga indio at mga Intsik.

Isang bunga ng paglawak ng pagsamba ang pagiging dalisay ng mga dalaga.

Ilalahad ko ang kasaysayan ng isang dalagitang indio na dating mahilig makipag-ugnay sa mga lalaki ngunit pagtapos siyang mabinyagan, ay iwinaksi ang lahat na ito mula sa buhay niya.

Masugid siyang niligawan ng isang Espanyol na paulit-ulit na tinanggihan. Nag-alok pa ng salapi ang lalaki, subalit naunsiyami uli. Minsang naiwang nag-iisa ang babae, tinangka siyang gahasain ng Espanyol subalit narinig ang kanyang mga tili at sinaklolohan ng mga tao.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Napuot ang Espanyol at nagsumbong sa amo ng babae upang siraan siya. Pinalayas basta ang babae, hindi binigyan ng pagkataon na ipagtanggol ang sarili. Ang himutok na lamang niya ay, ‘Alam ng Dios ang lahat!’

Tapos, ang Espanyol naman na dating amo niya ang nagsimulang lumigaw sa babae subalit siya man ay tinanggihan paulit-ulit.

‘Hindi ako makikiapid sa iyo,’ sabi ng babae. ‘Bakit mo hinihiya ang sarili mo, tanghal ang lagay mo gayung mababa ang katayuan ko.’

Bagkus pa, sabi ng babae, hindi niya sasaktan ang asawa ng amo niya, na itinuring siyang bilang isang anak. Mula nuon, laging malupit ang turing ng amo sa babae subalit hindi kailan man nakalimot ang babae at nanatiling matimtiman at dalisay.

May isang viuda na, lihim sa lahat, sumumpa sa sarili na hindi na muling mag-aasawa habang buhay. Marami ring babae ang sumumpa na hindi sisiping sa mga lalaki at mananatiling dalisay habang buhay.

Isang babae ang nagtungo sa simbahan at, kahit siksikan ang mga tao, ay nagkumpisal ng

kanyang mga kasalanan. Sa laki ng pagsisisi, halos hindi siya nakapagsalita at, tumakbo sa lansangan at naghagupit sa likod (flagellation) bilang parusa sa sarili.

Isang binata na nagkumpisal ang naghagupit sa sarili habang naglalakad sa lansangan nang hindi ipinaalam sa frayle. Sa lupit ng parusa sa sarili, nawalan siya ng malay-tao at, paghandusay sa lupa, pinagkamalan ng mga tao na patay na. Pagkaraan ng panahon, nagbalik ang binata at nagkumpisal uli. Kahit na sariwa pa ang kanyang mga sugat, nais sana niyang maghagupit uli sa sarili subalit pinagbawalan siya ng frayle, hanggang hindi pa gumagaling ang kanyang mga sugat.

Ang obispo ng Cebu, si Pedro de Agurto, isang frayleng Augustinian, ang nagpasimula ng gawi ng paghagupit sa sarili (flagellation), tulad ng naging gawi na sa Manila.

Siya ang nagbalak na tuwing Viernes ng mahal na Araw (Lent), nag-procesion ang mga tao mula sa simbahan ng mga Jesuit hanggang sa simbahan ng Immaculada Concepcion habang naghahagupit sa mga sarili. Samantala, ang obispo mismo ay naghagupit sa sarili habang nag-iisa sa loob ng simbahan.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata