Ang Pulo Ng Mindanao

MAS MALAPIT ang Mindanao sa gitnaang hati (ecuador, equator) ng mondo kaysa sa mga pulo ng Ibabao (lumang tawag sa Samar), Leyte, Cebu at Bohol. At higit na malaki ito kaysa sa mga pulong ito kahit pagsama-samahin. Ang masasabi ko lamang tungkol sa yaman at taba ng lupa sa Mindanao, na katulad ito ng mga katabi at masasaganang pulo.

Maliban dito, mayaman ang Mindanao sa canela (cinnamon, walang pangalan sa Tagalog) na tumutubo sa mga bundok duon, at naglipana sa pulo ang mga civet (isang uri ng mala-pusang hayop na pinagkukunan ng pabango. Napuksa nang lubusan ang mga ito, at naglaho na rin ang tawag sa kanila).

Mapagkaibigan ang mga taga-Mindanao subalit sa timog na bahagi ng pulo, sa pampang ng ilog ng Mindanao (ang unang bahagi ay tinawag ngayong ilog Pulangi) nakatatag ang mga baranggay na ang iba ay mabangis at pala-away. Sinulsulan ang kanilang pakikibaka ng mga taga-Ternate (isang pulo sa Maluku o Moluccas, spice islands) na nagpasok duon ng pagsamba kay Mahoma. Dahil dito, naging kakampi ng mga taga-Ternate ang mga nag-Muslim duon, at kaaway hindi lamang tayo kundi pati na ng mga kaibigan natin.

Isang pangyayari ang aking ilalahad upang ipakita ang giting ng mga taga-Mindanao. Habang nakahimpill ang mga Espanyol sa isang malaking ilog, ipinagdiwang ang kasal ng kaibigan nilang pinuno ng isang baranggay at ang anak o kapatid na babae ng isang pinuno rin sa kabilang baranggay sa tabi ng ilog din.

Nasa pagitan ng 2 baranggay ang kuta at baranggay ni Silongan (si Luongan ang tunay na pangalan), isang Mahometan (Muslim) na kalaban ng mga Espanyol at ng 2 baranggay. Nag-alok ang mga Espanyol at sa 2 maliit na barko nila sinundo ang babae at mga kamag-anak upang dalhin sa kasalan. Nabalitaan ni Luongan ang pagdaan ng 2 barko at inabangan niya ang pagbalik nito.

Maganda ang suot ni Luongan, may dala pa siyang pamaypay (abanico, fan) habang nag-iisa siyang lumakad nang mahinay sa pampang ng ilog, kasabay ng mga pabalik na barko. Nakilala siya ng mga sundalong Espanyol at, bagama’t hindi sila hinaharang ni Luongan, ay nagpaputok ng kanilang mga baril. Hindi tuminag si Luongan kahit sumalpok ang mga bala sa tabi ng kanyang mga paa, at patuloy

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

lamang pinagmasdan ang 2 barko at ang mga sakay nitong kaaway niya. Ganito katapang ang mga taga-Mindanao na kaaway natin.

Ang mga kakamping mga taga-Mindanao ay matapang din. Minsan, nangisda sa dagat ang isang taga-Botuan (Butuan), kasama ang kanyang asawa sa pang-2 bangka. Nagmadali pabalik sa pampang ang asawa, kasama sa bangka ang mga anak, dahil namataan nila ang mga papalapit na bangka ng mga taga-Ternate. Nagpahuli nang kaunti ang lalaki sa kanyang bangka upang ipagtanggol ang kanyang familia, subalit nasalisihan siya ng mga taga-Ternate na mas mabilis ang sasakyan.

Inabutan nila sa dalampasigan at dinagit ang asawa at mga anak ng taga-Butuan. Patakas na sila nang dumating ang lalaki. Dahil mabilis ang bangka ng mga taga-Ternate, walang siyang nagawa kundi magsisigaw, at minura niya ang mga mandarambong.

‘Mga duwag! Wala kayong kaya kundi babae at mga batang walang laban. Humarap kayong tunay na lalaki!’

Hinamon niya na patayin muna siya bago gawing alipin ang kanyang asawa at mga anak. Nagpanting ang tenga ng mga taga-Ternate at bumalik sila sa dalampasigan. Ang pinuno ang lumaban sa taga-Butuan at matagal silang nagsabak. Napuruhan ng taga-Butuan ng sibat sa dibdib ang kaaway, at pagsaksak niya uli, napatay niya ang pinuno ng mga taga-Ternate. Kaya naiuwi niya nang ligtas ang kanyang familia, ang 2 bangka at mga isda na nahuli nila sa dagat. Inuwi ng mga taga-Ternate ang bangkay ng kanilang pinuno.

Matagal bago nahuli ng mga frayle ang iba pang mga baranggay sa paligid ng Butuan. Tinuya at tinakot pa sila kapag gabi, nangbulahaw ang mga kampon ni Elian (Ilyang), pinuno ng isang baranggay, na mahigpit na tumanggi maging catholico. Isang Linggo nuong Noviembre 1596, nag-misa ang mga Jesuit. Inanyayahan nila lahat ng mga tagaruon sa simbahan at nag-sermon ang isang frayle na marunong ng wika ng mga taga-Butuan, si Fray Manuel Martinez.

Nabagabag ng sermon ang damdamin ng lahat. Biglang lumuhod si Ilyang at lumuluha, humiling na binyagan siya. Tumayo ang punong frayle, si Valerio de Ledesma, at lumapit kay Ilyang, dala ang malaking cross kung saan nakapako ang estatwa ni Jesus Christ. Humalik sa paa ng cross si Ilyang, at humalik din ang kanyang kabig, si Osol. Sumunod sa kanila ang iba pang mandirigma ni Ilyang. Hinayag ni Ilyang sa lahat ng tao na patatawarin niya ang lahat ng may utang sa kanya kung magpapabinyag. Hiniwalayan din niya ang lahat ng kanyang asawa, maliban sa isa. Ibinigay niya ang buguei (dote, dowry, bigay-kaya) ng bawat isa at pinabalik sa kanilang mga magulang. Sunod sa kanilang pinuno, nagpabinyag din ang lahat ng taga-baranggay ni Ilyang.

Pagkaraan ng ilang araw, nag-misa uli ang mga Jesuit at naakit din nila ang isa pang baranggay. Ito ang paraang ginamit nila upang mapalawak ang pagsambang catholico sa buong ilog Agusan. Sa sulat ng isang frayle, si Valerio de Ledesma, ‘Ang buong ilog ngayon ay humihingi na mabinyagan. Dinalaw ko ang bawat bahay at tinuruan lahat ng bata. Sila, ang mga anak ng maharlica ang pinagtuturo sa mga matanda. Araw at gabi, umaawit sila ng panalangin at sinasagot ng panalagin din ng mga matanda.’

Pati raw si Luongan ay nahimok maging catholico matapos hiwalayan ang 5 asawa. Ang unang asawa lamang ang naiwan, ibinigay niya ang buguei (bigay-kaya) ng iba pa at pinalaya. Nabinyagan din ang anak ni Lungan.

Nuong Abril 1596, 6 buwan sa nakaraan, nabigo ang mga frayleng Jesuit sa pagsugpo sa mga Mahometan sa ilog Mindanao (pugad ng mga Maguindanao, Cotabato ang tawag ngayon), kasama ng isang malaking hukbo ng mga Espanyol. Namatay sa hirap duon si Fray Juan del Campo. Kasama si Fray Juan de Sanlucar, hinatid ko ang kanyang bangkay sa Cebu upang mailibing. Umalis ang mga Jesuit nang natanto nilang walang mabibinyagan duon hanggang hindi nasusugpo ng hukbong Espanyol ang mga sandatahang Mahometan. Pagkaraan ng panahon, umurong na rin ang hukbong Espanyol at iniwan ang kanilang kuta duon.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata