Lihim Na Pagsamba
Sa Diwata Sa Taytay

ISANG PANGKAT ng mga Catalonan ang lihim na naghari sa nayon ng San Juan del Monte (nabalik sa Taytay ang tawag ngayon). Mahigpit nilang hinawakan ang puso ng mga tagaruon, kahit naging catholico na ang mga ito, kaya sila ang palaging pinupuntahan ng mga may kailangang manawagan at mag-alay sa mga anyito, gaya ng dating pagsamba.

Isa sa mga catalonan ay kinilalang reyna, ang pinuno nila, na nagpahayag na ang kanyang anyito ay matalik na kaibigan ng anyito ng mga catholico. Bumaba daw sa lupa ang kanyang anyito mula sa langit. Malaki ang kapangyarihan ng reyna, kinikilala at iginagalang sa buong nayon at karatig dahil matalino siya at nagmula sa tanyag na angkan. May mga anak siyang lalaki na asawa ng mga babaing anak ng mga pinuno ng mga baranggay.

Sa kanya nananawagan ang mga may kailangan at walang sumalungat sa kanya sa takot na gantihan niya. Kahit ang mga malakas sa nayon at karatig ay ilag sa kanya o lubusang nakipagsabwatan. Kapag may namatay na catalonan, siya ang nagtuturing ng kapalit. Inuutusan niya ang mga pinunong indio na dalhin nang lihim ang anyito ng namatay sa bahay ng hinirang niyang kapalit. At pagdating ng anyito, sa kalaliman ng 3 gabing sumunod, nagdiriwang sila, nagkakainan at nag-iinuman bilang parangal sa bagong catalonan.

NASABING tumagal ang kagagawan nang 2 taon. Walang maysakit na hindi nanawagan sa kanila, gaya ng dati, upang malaman kung nasa panganib silang mamatay at nang sa gayon, makapag-alay sila sa mga anyito upang gumaling. Nabulong pa na isa sa mga catalonan ang kumita ng halos 300 escudos (salapi ng Espanyol nuon).

Nagsumbong sa frayle ang ilang indio na catholico at nabunyag ang lihim ng pangkat (intriga, cabal). Unang inusig ang mga mahinang catalonan, at isiniwalat ng mga ito ang mga sunod na mataas sa kanilang lipunan.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Ang mga ito naman ang dinakip at nagturo sa mga nakakataas, hanggang natuklasan nila kung sino ang reyna ng mga catalonan duon.

Pinuntirya nang maigi ng mga frayle ang pagwasak sa mga estatwa ng mga anyito at daan-daan ang nahalungkat nila. Ukit sa kahoy ang ilan, gawa naman sa luwad (clay) ang iba. May 2 na inukit mula sa malalaking ipin ng buaya na sinusukan ang tulis ng gintong ulo ng anyito.

Gawa sa ginto ang anyito ng reyna ng mga catalonan, nakatago sa isa sa kanyang mga bahay. Hinalughog ng mga frayle ang kanyang tahanan, pati na ang kanyang kubo sa bukid subalit hindi nila matagpuan ang gintong anyito. Ayaw sumuko ang reynang catalonan, walang takot kahit na paulit-ulit siniyasat ang kanyang mga gamit sa bahay.

‘Isinumpa sa akin ng anyito,’ sabi ng reyna, ‘na hindi siya kailan man matatagpuan, kahit wasakin ng frayle ang bahay ko!’

Panay ang halungkat ni Diego de Santiago, ang frayleng Jesuit duon, sa bahay ng reyna at, kahit wala siyang nasambulat, tiyak niyang nakasingit ito sa loob ng kubo. Sa isa pang kahuli-hulihang halughog, sinipat maigi ng frayle ang bahay at napansin niya ang isang kupas at luma nang kawayan na nakatukod sa bubong ng kubo.

Hindi nalaman kung bakit, ipinaputol niya itong tukod upang makita kung may laman. Gintong tagumpay! Natagpuan ang anyito sa loob ng kawayan at upang magapi, sinunog ito tulad ng ibang mga anyito. Ang tunaw na ginto ay ginamit sa simbahan ng mga catholico.

Gabi-gabi mula nuon, binangungot ang

reynang catalonan, halos nabaliw sa sindak at puyat, at napilitang humingi ng tawad at saklolo sa simbahan, tapos ay nagpabinyag. Binigyan siya ng cross bilang panlaban sa bangungot. Tumagal nang maraming gabi ang masasamang panaginip subalit natigil din sa katapusan, at nakatulog na nang mahimbing ang reyna ng mga catalonan.

Nuong isang fiesta, itinatatwa ng lahat ng mga catalonan, sa harap ng mga tao sa loob ng simbahan, ang pagsamba sa mga anyito. Mula nuon, nanirahan sila sa isang pook na litaw at minaman-manan ng mga masugid na catholico upang hindi na sila makasamba uli sa mga anyito. Nuong mga araw na sumunod sa fiesta, dinala ng mga tao ang mga ari-arian nilang estatwa, damit at gamit sa pagsamba sa mga anyito hanggang lubusang napawi ang ugaling ito. Marami ang nagkumpisal, tumagal nang ilang buwan, at sa ilang taon pang sumunod.

BILANG katapusan nitong pangyayari, dapat kong ihayag ang kasaysayan ni Francisco Amandao (Amang tao), ang pinunong indio sa nayon. Matanda na siya, mahusay magpasiya at matalik na kaibigan ng mga frayle. Nagkasakit siya minsan at humingi ng tulong sa simbahan. Ipinagdasal naman siya subalit, dala marahil ng matagal nang ugali, pumayag siya na manawagan sa anyito at baka sakaling makagaling kahit na papaano.

Ang nangyari, gumaling ang kalahati ng katawan niya ngunit tuluyang nasalanta ang kabilang kalahati kaya naging lumpo (paralitico, crippled) siya at hindi na nakalakad mula nuon. Nabuhay siyang nakaratay nang ilang taon hanggang, sa bandang huli, humingi siya ng tawad sa simbahan at muling naging isang tapat na catholico. Kasabay ng pagbagsak ng mga catalonan sa Taytay, namatay siya.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata