Mga Naganap Sa Antipolo
At Taytay Hanggang 1597

ANG TAYTAY ay nakaalay sa patnubay ni San Juan de Bautista (Saint John the Baptist) nuong una. Pagkatapos maalis ang baranggay mula sa putikan at baha (pantanos, marshes) ng Lawa ng Bai (Laguna de Bay) malipat sa katabing bundok, pinalitan ko ang pagtangkilik nito at tinawag na San Juan del Monte (Saint John of the Mountain).

Tatlong simbahan ang naitayo duon, puno ng mga estatwa at mga larawan, at maraming palamuti (decoraciones, ornaments) at mga kortina (tapestries).

Upang masanay sa mga gawing catholico, lahat ng mga lalaki ay pinilit kong magsimba araw-araw at makinig sa mga pangaral, sa sarili nilang wika. Tapos, ang mga bata at matandang lalaki ay kailangang mag-aral sa simbahan upang mag-aral ng pagiging catholico. Bawat matandang lalaki ay tinatakdaan ng isang bata na nagtuturo sa kanya, at nagsasabi sa frayle kung natuto na ang matanda. Saka lamang maaaring tumigil ang matanda ng pagpunta sa simbahan araw-araw, maliban kung Linggo nang dapat siyang magsimba kasama ng ibang taganayon.

Kumakalembang (campana, church bell) ang simbahan para sa Ave Maria tuwing bukang liwayway (amanecer, dawn), tanghaling tapat (mediodia, noon) at takip-silim (anochecher, evening). Pagkatapos, may pinapaligid akong matimtimang indio gabi-gabi, may dalang kulingking (campanilla, bell) at sumisigaw sa mga tao na magdasal para sa mga makasalanan.

Napasimulan namin ito at iba pang mga ugaling matimtiman sa bara-baranggay ng Taytay at nahuli namin ang kalooban hindi lamang ng mga indio kundi pati na ang mga tagabundok at mga naglipana sa mga gubat-gubat.

Isa sa mga ito ay ang tinawag na Sayor, na ibig sabihin ay magnanakaw. Wala siyang tahanan at palaboy-laboy sa mga cueva sa bundok-bundok. Ang pagkain niya ay mga ahas at sawa (serpientes, pythons) na napapatay niya. Hindi na siya bata subalit magilas pa at kahanga-hanga ang kanyang bilis tumakbo at taas tumalon.

Sindak ang lahat ng taganayon sa kanya kaya kailan man siya dumating, takbuhan ang mga tao at nagtatago sa takot na patayin niya. Kaya malaya niyang nakukuha anuman ang maibigan sa mga bahay na naiwang nakatiwangwang.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Kusang lumapit sa akin itong binata. Hubad-hubad siya maliban sa isang bahag. May sukbit siyang isang balarao (punyal, dagger) sa baywang at dala-dala niya ang kanyang pana at palaso (bow and arrows). Halos 6 taon ko siyang niligawan, binigyan ng mga handog at inamo (domesticado, tamed) hanggang nagkaruon siya ng sariling bait (confianza, self-confidence)

Madalas niya akong samahan sa pagdalaw sa mga baranggay sa pali-paligid, dala ang kanyang panaksak, pana at palaso, patawid sa gubat at bundok.

Sa wakas, nagpabinyag siya nuong 1597 sa pangalang Pablo, na lubha niyang naibigan. Mula nuon, tuwing may tatawag sa kanya sa dati niyang pangalan, lagi siyang isinasagot, ‘Hindi Sayor, Pablo ang pangalan ko!’

Nag-asawa siya pagkatapos mabinyagan at nakatira siya ngayon sa sariling bahay, nanahimik kasama ang familia niya, at isa siya ngayon sa pinakamabait na indio duon. Paminsan-minsan, nag-uusap kami at ikinu-cuento niya ang dating buhay bilang ligaw na tagabundok sa gubat at mga cueva, at paano niya pinatay ang mga ahas at sawa. Ang iba raw ay napakalaki, kayang kainin nang buo ang isang tao, usa o iba pang hayop.

Hindi lamang si Sayor o Pablo and dumayo mula sa mga bundok. Sa Antipolo nuong 1595, halos 1,000 tagabundok ang lumuwas, iniwan ang kanilang mga kaingin at mga kubakob (shelters) at mahigit 500 ang nabinyagan namin nuong isang taon na iyon lamang. Kabilang dito ang 2 matandang babae, mahigit 100 taon ang tanda siguro. Hindi nagtagal pagkatapos mabinyagan, namatay sila nang sagip ang kanilang mga kaluluwa. Walang naiwan sa mga bundok maliban sa mga catalonan (katalo o nakikipag-usap sa mga anyito), ang dating mga pari ng mga indio.

MATAMANG hinahanap ni Fray Francisco Almerique, ang Jesuit sa Antipolo, ang pinuno ng mga catalonan upang gawing catholico ito at ang kanyang mga kampon. Nangyari naman na natagpuan sila ng mga tao at dinala sa simbahan kung saan sila tinuruan at, pagkatapos

ng maraming pangaral, kinilala ng catalonan na mas malakas ang anyito ng frayle kaysa anyito ng mga tao.

Sumuko na rin siya at nagpabinyag, pati na ang kanyang mga kasama. Mahaba and kanyang buhok, parang babae, at nakatirintas ito bilang pahiwatig ng kanyang pagiging catalonan. Bago siya bininyagan, sa harap ng mga tao, pinutol niya ang kanyang buhok upang ipakita na putol na ang kapangyarihan ng anyito. Tapos, sinunog nila ang mga estatwa ng anyito.

Hindi lamang ang mga Tagalo (Tagalog) ang pinakamaputi at pinakabihasa (civilized) sa mga tao ng Manila (karaniwang tawag ng Espanyol sa buong gitnaang Luzon, na itinuring nilang isang lalawigan), ang bumaba ng bundok upang magpabinyag.

Kasunod nila ang mga matitigas na buto (brutos de carga, beasts of burden), ang mga Negrillos (mga Negrito) na higit na mabangis at siyang mga unang tao dito sa kapuluan, pati na sa Manila. Marami silang naglipana sa mga bundok na parang mga ligaw na hayop. Napahanga sila sa pagiging catholico ng mga tao, sila man ay nagsimulang huminahon at humingi na mabinyagan.

Ang mga nakakilala sa kanilang dating bangis at lupit ay nagtaka, maniwaring himala! Dahil dati-rati, ni wala silang pinagpipitagan, kahit mga anyito at diwata ay ayaw nilang sambahin.

Ang mga mas bihasa (civilizado, modernized) at natuto na sa mga indio na sumamba sa mga anyito ay alumpihit ipagkanulo ang kanilang mga diwata. Kahit nabinyagan na, lagi nilang inaalaala ang mga dating puon at lihim na bumabalik sa makalumang pagsamba.

Napatunayan ito nuong simula ng taon ng 1597, nang nagsiwalat ang isang catholico na nag-alab at kumalat na muli ang pagsamba sa mga anyito. Upang maunawaan kung bakit naganap ito, kailangan munang maipaliwanag ko ang kanilang lumang sambahan sa isang kahiwalay na kabanata, Mga Diwata, Pamahiin At Ang Mga Anyito. Pagkatapos, isasalaysay ko ang mga kagagawan at paano sinugpo ang Lihim Na Pagsamba Sa Diwata Sa Taytay.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata