Digmaan Ng Negrito
At Ilonggo Sa Iloilo

NUONG ENERO 1592, napilitan akong umalis sa Taytay upang ipagpatuloy ang pagpalawak ng catholico sa Tigbauan, sa pulo ng Panai (Panay).

Ang Panay ay mahigit 480 kilometro ang sukat paligid. Sa buong pulo, mataba ang lupa at mainam ang panahon. Ang mga tao duon ay mga Bissayas (Bisaya), mapuputi.

Mayroon din duong mga itim na tao, tinatawag ng Espanyol na Negrillo (maliliit na Negro), na maniwaring mga unang tao duon sa pulo bago dumating ang mga Bisaya. Ang mga ito ay hindi kasing itim o kasing pangit ng mga taga-Guinea (isang bayan sa Africa), mas maliit sila at hindi kasing lakas subalit kahawig nila sa (kulot-kulot, kinky) buhok at balbas.

Ang mga Negrillo ay higit na mabangis at mas kulang sa bihasnan kaysa sa mga Bisaya o sa ibang Pilipino. Wala silang mga bahay gaya ng ibang mga tao, ni wala silang mga baranggay o takdang tahanan. Hindi sila nagtatanim o nag-aani. Kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, palaboy-laboy sila sa mga bundok, animo mga hayop. Hinahabol nila at kinakain ang mga usa at mga javali.

(Blair & Robertson: Ang javali ay isang uri ng baboy damo o baboy gubat. Naglipana sa lawak ng Asia at mga kapuluang timog ang iba’t ibang uri ng ligaw na baboy. Mawawaring malaking bahagi ng pagkain ng lahat ng mga tao ang baboy bago pumasok ang pagsamba kay Mahomet na nagbawal na kumain ng baboy. Gawi pa sa Pilipinas ang kumain ng baboy nuong dumating ang mga Espanyol, at ugali pa ng mga taong gubat hanggang 1903, pati na sa mga Hindu sa Bali at Lomboc, sa Indonesia.)

Kung saan napatay ng mga itim ang anumang hayop, duon din nila kinakatay at pinakain. At namamalagi sila duon hanggang maubos ang hayop. Ang tanging ari-arian nila ay ang pana at palaso (bow and arrow).

Likas na mahabagin ang mga Bisaya kaya hindi pa nila pinupuksa ang mga Negrillo na hindi naman sila ginagambala, iniiwasan pa nga at bihirang makaugnay. Subalit nuong nasa Ticbauan (Tigbauan) ako, nagdigmaan sila at nalantad kung paano sila nagbakbakan,

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

nagtagumpay at kung ano ang napala nila sa labanan.

Nag-iisa ang kubo ng isang pinuno ng mga Bisaya sa bundok, malayo sa anumang baranggay. Kabati niya, ewan ko, baka kaibigan pa, ang isang pinunong Negrillo na dumalaw sa kanya isang araw. Magiliw tinanggap ng Bisaya ang panauhin, hinainan pa ng pagkain at inumin subalit dinaya siya ng Negrillo, biglang pinatay ang Bisaya. Pati ang asawa, mga anak, lahat ng kasama sa bahay ay pinatay ng Negrillo.

Hindi nakalusot ang lapastangan. Ang anak na lalaki ng Bisaya ay naghiganti agad. Ayaw niyang lumusob nang nag-iisa kaya ipinatawag niya lahat ng kamag-anak at mga kaibigan, pati ang mga Bisaya sa ibang baranggay sa Panay ay dumayo upang sumali sa paglusob. Lubusang nawalan ng tao ang ibang baranggay.

Lahat sila ay sumalakay sa mga Negrillo, sabik mabihag ang mga babae at mga bata upang gawing mga alipin, tiyak at mithing kayamanan sa mga puok duon. Maraming lalaking Negrillo ang napatay bago nabalita ang digmaan sa mga Espanyol na agad ipinatigil ito.

Nakita ko ang mga Negrillo na ginawang mga alipin. Sa pasukan ng mga baranggay, nakalantad ang mga pinagtagumpayan (trophies) ng mga Bisaya - nagtayo sila sa lupa ng matangkad na puno ng kawayan (canya, bamboo) at nakasabit duon, parang mga watawat, ang mga buhok ng mga Negrillo na napatay.

Iniiwasan at bihirang makaniig ng mga Espanyol ang mga Negrillo, bagaman at hindi sila nagsisindakan o naglalabanan. Madalas nabihag ng mga itim ang mga Espanyol na naglalakbay nang nag-iisa sa mga bundok at gubat, subalit dinadaan lamang sa pakiusap at handog ng kung anu-ano, pinapalaya sila at hindi sinasaktan.

Takot ang mga Negrillo sa mga frayle, na itinuturing nilang mga Espanyol din. Hindi nila kinikilala o alam kung ano ang padre. Kaya wala kaming mabinyagan sa kanila, panay ang ilag sa amin, kahit na marami sa kanila ang lumalaboy malapit sa Tigbuauan.

Ang tawag nila sa talahib (yerba canya, reed grass) ay ‘tigbao’ at kung saan tumutubo ito ay tinawag nilang ‘Tigbaohan,’ kaya ito ang naging pangalan ng baranggay sa tabi ng malawak na putikan na puno ng talahib sa tabi ng isang ilog.

Maganda sa Tigbauaun, maraming bahay-bahay, umaabot sa 28 kilometro, na nakahanay sa dalampasigan ng dagat (costa del mar, sea coast). Maraming pagkain, ligaw na hayop sa pali-paligid, mga tanim na mga frutas at gulay. Maraming masarap na isda sa ilog, pati na sa katabing dagat.

Masipag ang mga tao, laging abala sa pagtatanim o pangingisda sa dagat, gamit ang 3 o 4 lambat. Ang mga babae ay lagi nang naghahawi ng tela (weaving cloth) o gumagawa ng sinulid (spinning thread).

Pinangaralan namin ang mga tao sa sarili nilang wika, tinawag na Haraya (Ilonggo). Isinalin pa namin ang mga dasal at pangaral, na dati ay narinig at nalaman lamang nila sa salitang Bisaya (Cebuano) na kaiba sa kanilang wika.

Sa baranggay ng Taroc, halos 5 kilometro mula sa Tigbauan, may isang pinuno na hindi binyagan na may anak na lalaki, 5 - 6 taon ang gulang, na nabinyagan na. Itinatago nila ang bata mula sa akin subalit nuong nagkasakit ito, pinilit ang mga magulang na ipatawag ako. Sagsag ako duon at binasahan ko siya ng aral ni Jesus (gospel). Pagkaraan ng ilang araw, gumaling ang bata na ipinagdiwang ng mga tao. Sa ganitong paraan, nakamit ko ang buong baranggay, lalo na ang mga magulang ng bata.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata