Kung Paano Maligo
Ang Mga Pilipino

MULA PAGKASILANG, sa tubig pinalalaki ang mga tagapulo, kaya babae at lalaki ay marunong lumangoy na parang isda, kahit na ang mga bata. Hindi nila kailangan ang tulay upang tumawid sa mga ilog. Naliligo sila kahit anong oras, upang linisin ang katawan o aliwin ang sarili. Kahit na ang mga buntis ay naliligo kahit kailan maisipan. Ang mga sanggol na bagong panganak ay binabanlawan sa malamig na tubig ng mga ilog at sapa.

Pagkatapos maligo, pinapahiran nila ang buhok ng langis ng ajonjoli (sesame oil) na hinaluan ng pabango mula sa civet na naglipana sa lahat ng dako ng kapuluan (anyong pusang hayop na nalipol, naglaho pati ang pangalan). Kahit na hindi naligo, mahilig silang magpahit ng ajonjoli sa buhok, lalo na ang mga babae at mga bata.

Dala ng hinhin, nakatalungko sila kung maligo sa ilog, hanggang leeg ang tubig at malayo sa ibang tao upang hindi masilip. Karaniwang naliligo sila pagbaba ng araw, tapos na ang mga gawain nila at nililinis at pinagiginhawa nila ang katawan. Pauwi, nagdadala sila ng tubig na inigib upang magamit sa kanilang tahanan.

Sa pulo ng Panay, pagkatapos ng dasal sa simbahan para sa isang namatay, nakita ang lahat ng tao na nakipaglibing tumuloy agad sa ilog at naligo. Hindi man nila alam, katulad ito ng gawi ng mga judio.

Sa harap ng pintuan ng bawat bahay, naglalagay sila ng banga (tinaja, jar) na may tubig. Lahat ng pumasok, panauhin o kasambahay, ay naghuhugas muna ng paa duon, lalo na kung taga-ulan at maputik. Sanay na sanay silang maghugas ng paa, kinakaskas ang bawat paa ng kabilang paa. Ang tubig na pinanghugas ay tumatagas sa mga silat ng sahig na gawa sa mga patpat ng kawayan, at bumabagsak sa lupa.

Naliligo din sila upang magpagaling sa sakit. Dinadayo nila ang mga sapa ng mainit na tubig (hot springs). Nitong mga nakaraang taon, nabantog (sa mga Espanyol) ang mga sapang mainit sa banda ng baranggay ng Bai (Bay), sa tabi ng lawa ng Bai (Laguna de Bai). Tanyag na pampalusog ng katawan ang maligo duon, nakakagaling pa ng sari-saring sakit. At talagang napakadali at napakasarap magpunta duon

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

kaya, kahit hindi kailangan, marami ang nagliliwaliw duon. (Los Banyos ang tawag ngayon)

UMAAHAS ang ilog Pasig halos 30 kilometro mula sa lawa ng Bai hanggang sa luok ng Manila (Manila Bay ang tawag ngayon). Sari-sari at magaganda ang mga kubo-kubo, mga halamanan (jardines, farms) at mga bakuran ng manok, baboy at bibi na nakikita pabaybay sa ilog. Hindi nalalagas ang dahon ng mga punong kahoy duon kaya kahit anong bahagi ng taon, laging mayabong at makulay ang tanawin sa ilog.

Dalawang uri ng puno lamang ang naglalagas ng dahon duon, kapwa ligaw at hindi namumunga bagaman at kapwa mahalaga at ginagamit. Ang isa ay ang balete na tumutubong matayog, hugis tasa ang uluhang dahon na luntian (verde, green) at magandang tignan. Ang dahon nito ay medyo makitid, matigas at makintab at ginagamit ng mga Pilipino na pampalasa (herb) sa pagluluto.

Matibay ang balete at tumutubo kahit sa batuhan. Maraming ugat ito na bumabalot halos sa buong katawan ng puno kaya mukhang may balbas.

(Blair & Robertson: Talaga namang kagilas-gilas ang anyo ng punong ito, lalo na kung gabi. Paniwala na bawat puno ay binabantayan ng Ticbalan. May mga balete na nagbubunga, ang iba ay namumulaklak lamang.

MAHUSAY talaga ang mga Intsik, napapaliit nila ang malaking puno na ito at pinapatubo sa maliit na bato - kayang dalhin sa isang kamay ang puno pati na ang bato! (Bonsai ang tawag ngayon) Katulad ng pangkaraniwang tanim na maaaring ilagay kahit saan, halos 5 palmos (hanggang tuhod) lamang ang laki nito. Dahil kataka-taka at pambihira ang pagtatanim na ito sa bato, susuriin ko kung paano ginagawa.

Kumukuha sila ng usbong (sprout) na balot na ng mga ugat, at isang bato na butas-butas at hindi masyadong matigas at hindi makinis. Maraming bato na katulad nito sa mga batuhan

(coral reefs) sa dalampasigan ng dagat. Itinatali nila ang usbong pabalot sa buong bato bago binababad sa tubig. Tumutubo ang usbong na mahigpit ang kapit sa bato, hindi na napaghihiwalay ang 2.

Ang pang-2 puno na naglalagas ng dahon ay ang tinawag nilang dabdab. Kaiba sa balete, mas matayog ito at kulay pula. Tulad sa balete, masarap ding iluto sabay sa ulam ang dahon nito, gamit pang aporo (lining) sa sinaing upang hindi dumikit ang kanin sa loob ng palayok. Kasing lapad ng palad ang dahon ng punong ito at hugis puso. Kunyaring ‘namamatay’ ito tuwing Septiembre nang nalalagas ang mga dahon, ‘nabubuhay’ itong muli tuwing Enero paglitaw ng mga bulaklak, tapos ang mga dahon.

Ang isa pang puno na dinala mula sa Nueva Espanya (Mexico) ay ang anona (atis) na dito, mas malaki at mas maraming bunga, masarap at mainam kainin. Naglalagas din ng dahon ang puno subalit bumabalik din, kasing bilis ng balete.

Subalit mabalik sa ilog Manila (Pasig river): Duon nagdadaan ang mga bangka papunta sa mainit na tubig na paliguan (sa Los Banyos). Iba-iba ang laki ng mga bangka, batay sa dami ng sakay paakyat sa ilog. Ang lawa ng Bai ay kulang-kulang 200 kilometro paikot, malaki at isa sa mga pinakatanging puok sa buong mondo.

Maraming mga ilog, baranggay at taniman ang buong paligid duon. Ang lawa mismo ay tabang na tubig (fresh water) at maraming maliliit na pulo ang nagpapalamuti sa ibabaw nito, ang ganda-ganda. Sagana sa isda at mga tagak (herons), mga bibi (pato, ducks) at iba pang mga ibon na namumuhay sa tubig. Higit sa lahat, maraming mga buaya (cocodrilo, crocodiles) na nagkakalat ng lagim sa mga mangingisda at mga naglalayag sa mga ilog duon. Lalo kung masama ang panahon, madalas mangyari duon, malabo at magulo ang tubig kaya madaling tumataob ang mga bangka.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata