Salot Ng Bulutong
Sa Balayan, Batangas

MARUNONG mag-Tagalog ang 2 sa amin, natuto kami pagkarating sa kapuluan. Ginamit ito sa pagpapalawak ng simbahan sa paligid ng Manila. Bandang 68 kilometro sa timog (south), ang pinamalaking nayon ay ang Balayan (sa Batangas, sa gilid ng tinatawag ngayong luok ng Balayan o Balayan Bay). Matalino at mabait ang mga tao duon, marami ay mga catholico na bininyagan ng mga frayleng Franciscan.

Namarati ako duon nang 2 buwan, nagbinyag sa mga bata at mga matanda. Nagpakumpisal din ako at nagpa-comunion, napakarami ang tumatanggap, na parang mahal na araw (Lent) sa tingin ko.

NAGKAROON ng salot duon ng tinatawag nilang bolotong, pumatay sa mga bata at matandang lalaki, mas maraming matanda ang namatay kaysa mga bata. Naging ugali ko ang maglakad sa malalaking lansangan 2 ulit araw-araw, minsan sa umaga at minsan sa gabi. May mga batang lalaki akong inuutusang maghanap sa magkabilang panig ng lansangan ng mga tao na nais magkumpisal o magpabinyag.

Tuwing tawag nila, na madalas mangyari nuon, pinapasok ko ang bahay. Lahat ng sala (living room) duon ay nasa itaas na palapag (upper

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

floor), dahil ginagamit ang unang palapag para lamang sa mga gawaing bahay. Kaya mahirap ding dumalaw sa mga bahay-bahay, panay ang panik-panaog, lalo na sa mga hagdan na gawa sa kawayan - ang gamit ng lahat duon.

Isang araw, habang abala ako sa pagdalaw sa mga maysakit, nadaanan ko ang isang pangkat ng mga pinunong indio. Nang makita nila ako, nag-alis sila ng mga putong sa ulo at, nakahanay sa isang tabi ng lansangan, sabay-sabay yumuko sa akin bilang pagpugay. Inalis ko rin ang aking saklob (gorro, cap) at tumango ako sa kanila bilang balik-bati, habang patuloy akong lumakad.

Nalaman ko pagkaraan ng panahon na lubos silang nalugod sa parangal ko sa kanila. Bilang ganti, hinintay nila ang pagbalik ko at, nakahanay uli sa tabi ng lansangan, nagpugay sila uli sabay-sabay, at lumuhod pagdaan ko.

SA LIAN, 14 kilometro sa kanlurang hilaga (northwest) ng Balayan, marami akong bininyagan at pinagkumpisal. Pati na sa kalapit

na baranggay ng Manisua. Nuong Miercoles ng Abo (miercoles de cenizas, Ash Wednesday), nagsimba lahat ng tao at nagpapahid ng abo sa nuo. Hindi lamang ito, dinala pa ng mga ina ang lahat ng kanilang mga anak upang mapahiran din sa nuo. Buong pitagan silang naghintay hanggang napahiran na lahat ng naruon.

NATANTO nuong una pa na napakaraming hindi binyagan sa Taytay, Antipolo at iba pang baranggay sa tabi ng Ilog Pasig, bandang 30 kilometro mula sa Manila (sa tinatawag ngayong lalawigan ng Rizal). Kaya inilaan ang mga puok na iyon ng obispo (bishop, na nuon ay si Domingo Salazar) bilang mision ng aming Lipunan ni Jesus (Jesuits).

Masasabi ko lamang ngayon, pagkaraan ng 10 taon, na sukdulan ang aking pasasalamat sapagkat nuong pumasok ako duon, wala pang 40 catholico ang aking natagpuan. Pagkatapos, walang makikita ngayon duon kahit na 4 hindi binyagan. Kung hindi ako nagkakamali, ako lamang ay nagbinyag sa mahigit 7,000 tao.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata