Mga Bisaya:
Ang Mga ‘Pintado’

ANG MGA TAO sa Bisayas ay tinatawag na ‘pintados’ (painted, tattooed) dahil may palamuti silang mga larawan sa katawan. Hindi ito likas sa kanila sapagkat isinilang silang makisig, matipuno, at maputi ang balat. Subalit pagsapit sa sapat na gulang, kapag may lakas at gilas na sila upang tiisin ang hapdi, nagpapa-tattoo sila hanggang ang buong katawan, mula ulo hanggang paa, ay nababalot ng tattoo.

Nagpapahid din sila ng kulay, karaniwang pula at itim, sa katawan.

Dati-rati, nagpapa-tattoo at nagkukulay lamang sila kapag nagawa ng isang kagitingan bilang pahiwatig ng kanilang tapang at mataas na katayuan sa lipunan.

NUONG unang panahon, ang bawat tattoo at pagkulay sa katawan ay isang kasaysayan ng tagumpay na nakamit o kagitingan na nagampanan. Hindi sila nagpapa-tattoo nang sabay-sabay sa buong katawan, kundi paisa-isa, kaya dati ay matagal ang paglalarawan sa kanilang katawan.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Ang mga bata ay hindi nilalagyan ng tattoo. Sa pag-tattoo, iginuguhit muna ng dalubhasa (experto, specialist) sa katawan ang hugis at anyo ng gagawing larawan. Tapos, inuukit ang balat ng matulis na bakal o tinik hanggang magdugo ang sugat. Pinapahiran ng abo (ceniza, ashes) o uling (carbon, charcoal) ang sugat upang maghalo ang dugo at itim sa balat. Mula nuon, hindi na kukupas (borra, erase) ang tattoo.

Ang mga larawan ay magara (ingenious), angkop na angkop sa bahagi ng katawan na pinaglagyan. Nuong nasa Pilipinas ako, madalas kong banggitin ang paghanga at kasiyahan ko sa anyo ng mga katutubo na may tattoo at pangkulay sa katawan. Sinabi ko pa na kung dadalhin ang isa sa kanila sa Europa, malaki ang kikitain sa pagtanghal sa kanya sa sinumang nais manuod.

SA MGA BABAE, isang kamay lamang ang binabalot ng tattoo, bahagi lamang ng kabilang kamay ang nilalagyan ng larawan at kulay. Subalit hindi ibig sabihin nito na lumalaon ang mga babae nang ‘hubad’ ang katawan. Nagsusuot sila ng magagandang damit o saya (bata, robe) na walang cuello (collar) at abot hanggang bukung-bukong (tobillo, ankles).

Mahusay ang hawi ng tela, gawa sa bulak (cotton) at may kulay sa mga gilid. Kapag nagluluksa sila sa patay, puti ang isinusuot nilang mga damit o saya. Hinuhubad nila ang damit kapag nasa loob ng bahay o nasa anumang puok na hindi kailangan ang magdamit.

Ngunit sa lahat ng pagkakataon, mahinhin sila at maingat magdamit at magtakip sa katawan. Sa ganitong gawi, daig nila ang ibang mga bansa, lalo na ang mga Intsik.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata