KASUNDUAN SA BIAK-NA-BATO Simula Ng Katapusan Ng Himagsikan Pati si Emilio Aguinaldo ay nagpakita ng ugali ng ilustrado at mga hacendero: Higit na minahalaga ang sarili kaysa kapakanan at kalayaan ng bayan. Nakipagkasunduan siya sa mga Español sa Biak-na-Bato at pumayag mapatapon sa Hongkong... Naunang pahiwatig ng takot sa reformas ng mga frayle ay ang adhika na ang mga pagbubuti ay pag-usad “pa-urong,” ipinahayag sa pamphlet na ‘Filipinas, Estudios de algunos asuntos de actualidad ’ ni Eduardo Navarro, procurador ng mga Augustinian,
sa Madrid nuong 1897... ANG KASAYSAYAN ng Biak-na-bato ay kasaysayan ng pagkagapi ng himagsikan ng 1896, kasaysayang nagsimula walang 10 buwan mula nuong ‘Sigaw Sa Pugad Lawin.’ Nuong Mayo 10, 1897, ipinabitay ni Emilio Aguinaldo si Andres Bonifacio, ang karibal niya sa pagka-supremo ng Katipunan. Hindi inakala ni Aguinaldo na ang pagpatay niya sa tinanghal ng madla na ‘Ama ng Himagsikan’ ang maglulubog sa kanya sa luob lamang ng isang buwan, at hindi magpi-7 buwan, matatalo nang lubusan ang himagsikang inagaw niya mula sa Katipunan. Inutos niya sa buong Cavite na parusahan ang sinumang magsalita tungkol sa pagbitay. Hindi pinansin ni Aguinaldo ang gimbal na sumaklaw sa mga tao, kaya hindi niya natantiya ang muhî ng mga katipunero. Subalit itong pagkamuhî ay isang malaking dahilan ng pagkatalo ng himagsikan, ayon sa ‘La Revolucion Filipina’ ni Apolinario Mabini: “Ang kasuklaman ay nagpalanta sa sigasig ng Katipunan, at lalong napadali ang pagkatalo ng himagsikan sa Cavite dahil marami sa mga lumalaban, mga taga-Manila, Laguna at Batangas, ay napanghal, nasiraan ng loob at nag-uwian. Hindi nagtagal, ang kunyaring pamahalaan ng himagsikan ay napilitang tumakas sa mga bundok ng Biak-na-Bato sa Bulacan. Duon nagtago ang pamahalaan ni Aguinaldo. Ayaw lumusob ng mga Español dahil sa kapal ng sukal ng mga gubat-gubat duon. Hindi rin naman nakipaglaban sina Aguinaldo, wala na silang sapat na mga tauhan...” |
Tablá Ang Labanán: Topo-topo Muna TINASTAS ng 30,000 sundalong Español ang hukbong Magdalo ni Aguinaldo at hinabol sa Cavite, Batangas, Laguna at Morong (Rizal province ang tawag ngayon) hanggang sa wakas, nakapuslit sila sa Bulacan nuong Junio 1897, sa piling ng hukbo ni Mariano Llanera. Patuloy ang bakbakang walang hanggan. Araw-araw, nakita ni Fernando Primo de Rivera, ang governador ng Pilipinas, na kahit walang pag-asang magwagi ang mga naghihimagsik, nakakatagal naman sila nang hindi napupuksa. Kasalukuyan nuong sumasabog ang himagsikan sa Cuba at duon ibinubuhos ang buong lakas ng España kaya wala nang dagdag na sundalong ipinapadala sa Pilipinas. Napilitang humanap si Primo de Rivera ng ibang paraan upang tapusin ang himagsikan. Nuong Agosto 1897, tinanggap niya ang alok ng maka-Español na ilustrado sa Manila, si Pedro Paterno. ‘Lalapitan’ niya sina Aguinaldo bilang abogado ng cabildo, ang pamahalaan sa Manila, o ni Primo de Rivera mismo. Nuon nagsimula ang halos 5 buwan ng balik-balikan ni Paterno sa Manila at Biak-na-Bato upang yayaing sumuko ang mga naghimagsik. |
|
Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Aklasan Ng Mga Charismatic Pinoy Susunod na kabanata |